Christian Bables, nagwagi sa pagbabalik ni Geneva Cruz sa ‘Your Face Sounds Familiar Season 3’

Philippine Entertainment

May 10, 2021

Nakamit na rin ni Christian Bables ang kanyang unang panalo sa “Your Face Sounds Familiar Season 3” matapos pabilibin ang jury at kapwa celebrity performers sa kanyang paglabas bilang Mike Hanopol kagabi (Mayo 9) sa Kapamilya Channel at A2Z.

Nakuha ni Christian ang tikas at boses ni Mike sa awiting “Laki sa Layaw” kung kaya nakakuha siya ng 30 puntos, kabilang ang pinakamatataas na boto mula sa jurors na sina Ogie Alcasid, Gary Valenciano, at Sharon Cuneta.

Pagkatapos ang kanyang pasabog na performance, naging emosyunal ang “New Breed Actor” dahil hindi niya inakalang magiging ganoon ang kalalabasan ng kanyang pagtatanghal, na umani ng papuri kina Gary, Sharon, at Ogie.

“Sobrang gusto ko siyang i-perform ng maayos. During the rehearsals, it felt like my voice was failing me. But, ang galing ni God talaga,” pahayag ni Christian.

Nang tinanggap niya ang tropeo at P50,000 na premyo bilang 10th weekly winner, nagpasalamat si Christian sa jury at co-contestants.

“Bago ko pinaniwalaan ‘yung sarili ko, kayo muna ‘yung naniwala sa akin. Grabe. Sobra. Maraming, maraming salamat po talaga.”

Dahil papalapit na ang Grand Showdown, inaasahang mas level up ang ipapakitang transformation at performance ng pitong celebrity performers sa tulong ng celebrity mentors na sina Jed Madela at Nyoy Volante. Kabilang na muli sa aabangan si Geneva Cruz, na nagbabalik sa kompetisyon.

Kamakailan lang ay pumanaw ang ina ni Geneva. Pero imbes na tumigil, mas desidido siyang magpatuloy dahil iyon ang bilin ng kanyang Mama.

“Inaalay ko ito para sa aking Mama kasi siya ‘yung number one fan ko talaga simula nung bata ako. So para sa kanya ‘to and fan siya ng Your Face Sounds Familiar,” wika ni Geneva bago lumabas bilang Toni Braxton.

Sa susunod na weekend, gagayahin naman ni Geneva si Selena. Kay CJ Navato naman si John Legend, kay Lie Reposposa si Sampaguita, at kay Vivoree Esclito napunta si Miley Cyrus. Kaabang-abang din ang transformation ni Klarisse de Guzman bilang Aretha Franklin, ang iDolls bilang Ben and Ben at Moira de la Torre, at si Christian bilang Alice Cooper.

Abangan sila muli sa “Your Face Sounds Familiar Season 3” kasama ang host na si Luis Manzano tuwing Sabado ng 8 pm at Linggo 7:30 pm sa Kapamilya Channel, A2Z, Kapamilya Online Live, at iWantTFC. Panoorin din ang “KaFamiliar Online Live” show nina Darren Espanto at AC Bonifacio sa Kapamilya Online Live tuwing commercial breaks.

Para sa nakaraang perfomances pumunta sa official YouTube channel ng “Your Face Sounds Familiar” o sa iWantTFC. I-follow ang @YourFacePH para sa updates sa Facebook, Twitter, at Instagram. Para sa balita, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.

Loading...
Loading...
Loading...

Related News