Sexy Babe mula Parañaque, wagi bilang kauna-unahang Grand Winner ng ‘Showtime Sexy Babe’ - TrueID

Sexy Babe mula Parañaque, wagi bilang kauna-unahang Grand Winner ng ‘Showtime Sexy Babe’

Philippine EntertainmentJuly 26, 2022

Hinirang bilang kauna-unahang “Showtime Sexy Babe” grand winner si Sam Coloso sa “Showtime Sexy Babe: The Sexiest Grand Finals” matapos nitong ibinida ang angking katalinuhan at sariling bersyon ng kaseksihan noong Sabado (Hulyo 23).

Napabilib ni Sam ang mga hurado sa kanyang sagot na ang matutunan sa mga kababaihan ngayon ay hindi na kailangan sumunod sa beauty standards dahil may iba’t ibang bersyon na ang pagiging maganda.

“Siguro ang dapat matutunan ng inyong henerasyon sa ngayong image of beauty is there are no standards anymore. Just be secured with yourself and that’s when you know na hindi mo kailangan tumingin sa kakulangan ng iba para maging secure ka,” sabi niya.

Bilang kauna-unahang grand winner ng “Showtime Sexy Babe,” nanalo siya ng P500,000, isang negosyo package mula sa Seoul Sahara na nagkakahalagang P150,000, at alahas mula sa Manila Diamond Studio na nagkakahalagang P100,000. Nakakuha naman ng P300,000 ang first runner-up na si Morena Carlos at P100,000 at ang second runner-up na si Jubilyn Sabino.

Ang iba namang finalists na nakaabot sa Top 10 ng kompetisyon ay sina Maxine Abliter, Micah Salunga, Weam Ahmed, Johaira Moris, Zoe Cameron, Ercy Tiongson, at Joanna Limbaro.

Namahagi rin ng special awards ang “Showtime Sexy Babe” grand finals kabilang na ang Best in Rampa award para kay Jubilyn at Blooming Babe para kay Zoe.

Nagsilbi naman bilang mga hurado na tinaguriang Sexy Authoriteam sina Ruffa Gutierrez, Jake Cuenca, Marlon Stockinger, Fuschia Ravena, Shaun Ildefonso, Michael Leyva, at Anabelle Rama para sa “Showtime Sexy Babe: The Sexiest Grand Finals.”

Kumapit naman din ng todo ang netizens sa nasabing grand finals kaya trending sa Twitter sina Vice Ganda, Ion Perez, at Anne Curtis, ang grand winner na si Sam, at iba pang finalists na sina Weam at Johaira pati na ang Showtime.

Samantala, simula ngayong Lunes (Hulyo 25) ay dapat abangan ang intense na talakan at tagisan ng katalinuhan sa pagbabalik ng “Ms. Q & A: Kween of the Multibeks.”

Panoorin ang “It’s Showtime” mula Lunes hanggang Sabado sa A2Z, Kapamilya Channel, TV5, Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, pati na rin sa iWantTFC app o iwanttfc.com. Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa The Filipino Channel.

Read More
Loading...
Loading...
Loading...
Loading...
Loading...