Female personality na malakas ang vlog, sinasalaula na ang sarili para kumita

Philstar
January 11, 2021

May manipis na linyang naghihiwalay sa maayos na komedya at pagkainis. May komedyang ibinabato nang positibo, kina­aaliwan ng manonood, kung paanong may komedya namang mas nakaiinis kesa sa nakakatawa.

Sa taping ng isang programa ay naging sentro ng kuwentuhan ang isang kilalang female personality na parang kumakain lang ng kornik kung magpatawa.

Totoong malakas ang kanyang sense of humor, nang-iimbita ng pag­halakhak, pero meron ding pagkakataon na sumosobra na siya sa nararapat at kailangan lang.

Kuwento ng aming source na saksi sa kuwentuhan, “Magaling naman sana siya sa comedy, nakakatawa talaga siya, kayang-kaya niyang dalhin ang pagpapatawa.

“Kahit ano lang, e, nagagawa niyang katawa-tawa, wala siyang pinipi­ling topic, carry niya talaga kahit anong maisipan niya,” unang sultada ng impormante.

Kahit sa linya ng pagho-host ay magaling din ang female personality, hindi siya nagbabakel, buhay na buhay ang kanyang hosting.

Sabi ng aming source, “Kaya lang, e, kailangan siyang binabantayan. May nagsasabi dapat sa kanya kung anu-ano ang puwedeng sabihin o hindi on national television.

“Madalas kasi siyang nao-overwhelm sa mga sinasabi niya. Nakakalimutan na niyang may hawak siyang microphone at napapanood siya ng buong bayan.

“Ang akala kasi niya, e, nasa kusina lang siya ng kanilang bahay, kaya sige lang siya nang sige, lumalampas na siya sa dapat lang,”  pagpansin uli ng aming source.

Pumasok ang female personality sa isang kakaibang level. Patok naman ang kanyang vlog, milyon ang sumusubaybay sa kanya, nakakaaliw kasi ang kanyang mga atake.

Reaksiyon ng aming impormante, “Pero bina-bash na siya ngayon, di ba? Sa katagalan kasi, e, parang kinakapos na siya sa topic na tututukan niya sa pagba-vlog.

“Kung anu-ano na lang ang ginagawa niya na hindi na swak sa panlasa ng mga sumusuporta sa kanya. Kinakalampag din siya ng mga bashers dahil sa kagustuhan niyang kumita, e, parang sinasalahula na niya ang sarili niya.

“Sayang ang sinimulan niya, mabentang-mabenta pa naman ang vlog niya, pero mukhang nauubusan na siya ng kuwentong ipalalabas niya.

“Hindi na nagugustuhan ng mga kababayan natin ang mga ginagawa niya, kahit nga ang karelas­yon niya, e, nag-react na rin, kaya baguhin na sana niya ang mga atake niya!” madiing pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Royette, may alam sa Yamashita treasure noon

Si Royette Padilla ang sinasabing black sheep sa kanilang pamilya. Palagi kasi siyang nasasangkot nu’n sa kontrobersiya.

Nu’ng sumikat si Robin Padilla ay binitbit ng action star sa popularidad ang kanyang mga kapatid na sina Rommel, Rustom at Royette.

Marami ring ginawang pelikula si Ro­yette. Pero napaiba ang kanyang direksiyon nang magtagal, pinag-usapan siya ng buong bayan dahil sa kanyang deklarasyon bilang heneral ng grupong H-World, pinagtaasan ng kilay ng mga Pinoy ang kanyang mga litanya.

Isang gabi, habang kumakain kami ng aming PA na si Tina Roa sa Rembrandt Hotel, ay dumating si Royette. Problemado siya. Problemang personal ang kanyang bitbit nang gabing ‘yun.

Habang kumakain kami ay sinabi niya, “Kunin mo ang dalawang sakong diamonds kay Jude Estrada. Nasa kanila ‘yun, itinatago sa bahay nila, part ‘yun ng Yamashita treasure.”

Hindi kami kumibo. Hindi namin pinatulan ang sinabi niya. Inisip na lang namin na gutom lang siya at problemado kaya niya nasabi ‘yun.

Sa magkakapatid na Padilla ay si Royette ang pinakamasarap kausap. Malalim siya. Kabisado niya pati ang likaw ng bituka ng pulitika ng buong mundo.

Magsabi ka ng kahit anong paksa at siguradong meron siyang maida­dagdag na impormasyon. Palabasa kasi si Royette, at marespeto siyang makipag-usap, ididiin niya ang kanyang paniniwala na iginagalang din niya ang opinyon ng kanyang kausap.

Pumanaw na si Royette Padilla sa sakit sa puso. Ibabaon niya sa kabilang buhay ang pagmamahal ng kanyang pamilya.

Nakikiramay kami kay Mommy Eva Cariño, ang kanyang dakilang ina na nakasama niya pa nu’ng Kapaskuhan, pakikiramay rin sa kanyang mga kapatid na hindi kinapos ng suporta at pagmamahal sa kanya.

Pero ang ilan sa mga bagong programang excited kami ay itong sisimulang game show na franchise sa United Kingdom. Ito yung Catch Me Out.ph na ihu-host ni Jose Manalo. Puspusan na raw ang training ng amateurs na kasali sa kakaibang game show dahil malaki ang datung na involved.

Ipinost na nga ni direk Rico Gutierrez ang design ng stage na napakaganda. Kaya malaking challenge ito kay Jose na wala pa kaming ideya kung tuloy pa rin ang kanyang Fill in the Bank sa TV5. Hindi naman daw isyu ito sa management ng GMA 7 kahit may isa pang game show na hinu-host si Jose sa ibang istasyon.

Ang isa palang gusto na ring simulan sa first quarter ng taong 2021 ay ang season 4 ng The Clash. Maganda kasi ang feedback sa huling season, at marami pa rin ang magagaling na singers na dapat bigyan ng pagkakataon. Ang suwerte nga ng ilang clashers dahil hindi sila pinabayaan ng GMA 7 dahil magagaling naman talaga. Isa na nga rito ang produkto ng season 1 ng The Clash na si Garret Bolden na meron na namang ilulunsad na bagong single na siya mismo ang naglikha. Simula ngayong araw ay available na for streaming sa Apple Music, Spotify YouTube Music at ilan pang digital stores ang single niyang Our Love na ginawa niya noong quarantine.

Isa sa pinakamagaling na mga baguhang singers si Garret at tumanggap na rin siya ng mga award. “Aminin ko po sa inyo na everytime po na may in-announce na bagong season, lagi po akong kinakabahan. Feeling ko everytime na alam mo na may mga bagong singers, tapos na kayo, papalitan ka na. Ganun! Lagi po yun. Minsan nga po, alam mong parang hesitant pa ako pero na-overcome ko naman po kasi iba-iba naman po kaming lahat as a singer,” pahayag ni Garret Bolden.

Natutuwa naman daw siya at proud daw siya sa bagong champion na si Jessica Villarumin.

Anyway, abangan na lang ang announcement ng bagong season ng The Clash.


Related News

Explore more categories