Pagiging taken ni Julia, lantaran na ghosting issue, lipas na!

Philstar
January 12, 2021

Ewan kung nagkataon lang, pero nang lumalabas na ang balita na si Bea Alonzo ay mukhang naka-move on na sa “ghosting” issue, at sinasabing nakikipag-date na rin sa male starlet na si Dominic Roque, umamin na rin indirectly si Julia Barretto sa kanyang social media account na siya ay “taken” na. Pero hindi niya inamin na ang “nag-take” sa kanya ay si Gerald Anderson.

Ang paniwala namin talagang naghihintay lang iyan nang magandang timing, kasi nga masyadong pumutok ang issue ng “ghosting” noon at naging negative ang dating nina Julia at Gerald. Hindi nila inaasahan na ganoon katindi ang magiging reaksiyon ng mga tao. Pero alam naman siguro nila na hindi nila maitatago habang panahon ang kanilang relasyon.

Nakikita silang magkasama, minsan iniiwasan nila na makunan ng picture na magkasama pero nakukunan sila ng picture na solo ng pero nasa iisang lugar. Minsan solo na si Julia, at ganoon din ang nanay niyang si Marjorie, pero maliwanag sa mga picture na sila ay nasa private resort na ang may-ari ay si Gerald.

At saka papaano nga ba mababawi ang inamin noon ni Dennis Padilla na nakausap niya sa telepono si Ge­rald at umamin iyon na nanliligaw siya kay Julia.

Hindi rin magtatagal, aaminin na rin nila ang katotoha­nan dahil hindi naman maitatago eh, at ano nga ba ang dahilan para itago pa. Nangyari na iyan eh, harapin na nila tutal naman mahabang panahon na ang lumipas at siguro nga umamin man sila ngayon, hindi na rin ganoon katindi ang magiging reaksiyon ng mga tao. May interesado pa ba naman sa issue na iyan?

Kung hindi pa sila aamin, at tapos lalabas kung kailan split na sila, mas lalong hindi maganda iyon. Kaya habang on pa sila, umamin na sila at ipaliwanag na lang ang nangyari. Mas ok ang magiging dating noon.

Noong naging mag-on naman sila, talagang wala na sina Julia at Joshua. Sinasabi namang on the rocks na talaga ang samahan nina Gerald at Bea, iyon nga lang hindi pa nasasabi ng lalaki doon sa babae na wala na sila. Simple lang hindi ba.

Janella at Markus, inaabangan naman kung ikakasal

Matapos ang ginawang pag-amin  ni Janella Salvador at Markus Paterson na sila nga ay may anak na ngayon, ang hinihintay naman ng mga tao ay kung kailan sila magpapakasal. Siguro iyan ay isang bagay na pinag-iisipan pa nilang mabuti dahil hindi maikakaila na may epekto iyan sa kanilang career. Maaari ba namang sa lahat ng pro­jects ay sila na lang dalawa ang magkasama, ano naman ang epekto kung itatambal sila sa iba?

Diyan naman papasok ang values, ano ba ang mas mahalaga sa kanila sa ngayon, ang kanilang career o ang kinabukasan ng kanilang anak?

Ang career, siguro naman mailalagay iyan sa ayos, lalo na’t nagpahayag naman ng suporta sa kanila ang Star Magic. Hindi na nga siguro laging love team, pero may makukuha pa rin naman silang roles. Pero iyong responsibilidad nilang bumuo ng isang tunay na pamilya para sa kanilang anak, iyon ang mas mahalaga at hindi mangyayari iyon maliban na lang kung pakakasal sila nang legal.

Kapalaran ng MMFF movies na ipinalabas sa probinsya, naging masaklap din

Malungkot, pero hindi na rin daw napansin ang mga MMFF entries na ipinalalabas sa mga provincial theater. Marami na tayong nakitang ganyan eh, mayroon pa nga straight na ipinalabas sa mga sinehan sa probinsiya, hindi rin pinansin ng mga tao.

Kasi ang problema, ang mga bida sa mga pelikulang iyan ay hindi mga box office star, o box office stars man, kabilang sila doon sa nakaraang panahon. Ibang klaseng mga pelikula na ang napanood at nakasanayan ng mga mahihilig sa sine kahit na sa probinsiya. Kung bibigyan sila ng mas mababa ang standards, natural manonood na lang sila ng pelikulang dayuhan, o manonood na lang ng tv kung saan mas sikat ang mga artista sa teleserye.

Kailangan pa rin ang malalaking artista para kumita ang pelikula.


Related News

Explore more categories