‘Lobo,’ ‘Imortal,’ at ‘La Luna Sangre,’ mababalik-balikan sa iWantTFC

Philippine Entertainment
January 12, 2021

Mababalik-balikan na ng fans saan mang bahagi ng mundo ang pag-ibig at aksyon sa hit teleseryes na ”Lobo,” “Imortal,” at “La Luna Sangre” na kabilang sa Moonstone trilogy ng ABS-CBN dahil mapapanood na nila nang libre ang kumpletong episodes sa mas pinasiksik na chapters sa iWantTFC.

Bukod sa mobile devices, mae-enjoy din ng subscribers ang panonood ng “Best of ABS-CBN Moonstone Trilogy” sa mas malaking screen gamit ang mga piling smart TV brands, ROKU streaming devices, at Telstra TV para sa users na nasa labas ng Pilipinas.

Panoorin ang pagtatambal nina Angel Locsin at Piolo Pascual sa “Lobo,” kung saan ginampanan nila sina Lyka at Noah, dalawang magkababatang mahuhulog ang loob sa isa’t isa ngunit walang kamalay-malay na paglalayuin sila ng tadhana.



Nakatakdang hadlangan ng kanilang tungkulin at pagkakaiba ang kanilang pag-ibig dahil si Lyka ang tinaguriang “huling bantay” ng mga lobo, samantalang masidhi naman ang pagkamuhi ni Noah sa kanilang uri at nais silang tugisin.

Magpapatuloy naman ang tema ng bawal na pag-ibig sa sequel nitong “Imortal,” tampok sina Angel at John Lloyd Cruz. Mortal na magkaaway ang mga lobo at bampira sa lupa, at lalo pa itong titindi sa pagdating ng pinakamalalakas na miyembro ng kanilang uri na magiging mortal na magkaaway.

Habang naghahanda sa itinakdang sagupaan sa pagitan nila, magkakakilala ang lobong si Lia (Angel) at ang bampirang si Mateo (John Lloyd), ngunit wala silang kaalam-alam na ang pag-ibig nila ang pupukaw sa kanilang mga kapangyarihan at sisira sa kanilang pagsasama.

Kapalaran din ang maglalayo kina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla sa huling kabanata ng Moonstone trilogy na “La Luna Sangre.” Dito, magbabago ang buhay ng batang si Malia (Kathryn) dahil siya ang itinuturo ng mga lobo at bampira na magsasalba sa kanila mula sa hari ng mga bampira base sa isang propesiya.

Sa pagtuntong ng edad na 21, mabibigo ni Malia ang mga kasama dahil sa kawalan niya ng kapangyarihan. Dahil sa kahihiyan, magdedesisyon siyang iwan sila at mabuhay sa mundo ng mga mortal, kung saan patuloy siyang susundan ng propesiya at kung saan makikilala niya si Tristan (Daniel).

Libre nang mapapanood ng iWantTFC subscribers worldwide ang unang 21 chapters ng “Lobo,” “Imortal,” at “La Luna Sangre” sa iWantTFC app (iOs at Android) o sa iwanttfc.com. Para sa kumpletong listahan ng compatible devices ng iWantTFC, sign in instructions, at account activation, bisitahin ang https://iwanttfc.com/help#tfc-on-smart-tv.

Para sa updates, i-like ang www.facebook.com/iWantTFC, o sundan ang @iwanttfc sa Twitter at Instagram, at mag-subscribe sa www.youtube.com/iWantTFC. Kung may mga katanungan naman, ipadala ang mga ito sa Facebook page ng iWant TFC o mag-e-mail sa [email protected]


Related News

Explore more categories