Joross at Roxanne may pa-throwback na kilig

Philstar
January 12, 2021

Kilig at katatawanan ang handog ng pagbabalik-tambalan ng love team nina Joross Gamboa at Roxanne Guinoo-Yap sa kanilang iWantTFC original romantic-comedy series na Hoy, Love You! na mapapanood na nang libre simula Enero 18.

Ayon kina Joross at Roxanne, mas mature na kilig ang mapapanood ng kanilang fans sa serye dahil pareho silang gaganap bilang single parents na mag-isang itinataguyod ang kani-kanilang anak.

“Ibang iba siya sa ginagawa namin way back from SCQ (Star Circle Quest’. Ang kilig at approach niya, naka-level din sa edad namin. Hindi lang kami magpapasaya pero mang-iinspire din sa mga pamilya, sa mga bata, sa mga single parent na mabuksan ang pananaw nila para magmahal ulit,” pahayag ni Roxanne sa online talk show na The Best Talk.

Dagdag naman ni Joross, “Ang maganda rito, ‘yung ganitong topic, kapag nilagyan mo ng humor, it becomes light. So mas madaling matanggap ng audience at mas madaling ikwento since it is not that heavy… Meron itong aral at eye-opener sa viewers ito.

Gagampanan nina Joross at Roxanne sina Jules at Marge, dalawang single parents na ang tanging hangarin ay mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga anak.

Pagkatapos mabyudo, pinagbubutihan ni Jules ang kanyang trabaho bilang contractor habang inaalagaan ang kanyang anak na architecture student (Brenna Garcia). Si Marge naman ay interior designer mula Manila na iniwan ng dati niyang kasintahan na si Richard (Dominic Ochoa) at mag-isang itinataguyod ang kanilang anak na si Charles (Aljon Mendoza).

Dahil sa kanilang mga propesyon, magsasama sa isang construction project sa Lobo, Batangas sina Jules at Marge at doon sila magkakakilala at unti-unting mahuhulog ang loob sa isa’t isa.

Tampok din sa Hoy, Love You! ang love team nina Aljon at Karina Bautista, at kasama naman sa cast sina TJ Valderrama, Pepe Herrera, Yamyam Gucong, Keanna Reeves, at Ms. Carmi Martin. Mula ito sa direksyon ni Theodore Boborol.

Libre itong mapapanood sa darating na Enero 18 sa iWantTFC app (iOs at Android) o sa iwanttfc.com. Mayroon itong anim na episodes na isa-isang ilalabas araw-araw tuwing 8 p.m. hanggang Enero 24.


Related News

Explore more categories