Anne, hindi nakaranas ng stress sa Australia

Philstar
January 12, 2021

Kung hindi pa nag-post si Anne Curtis na sampung buwan na ang kanyang anak na si Dahlia, hindi mapapansing matagal na pala siyang wala sa Pilipinas.

Umalis kasi si Anne para sa Australia nang makapanganak noong Dis­yembre 2019 pa, nanganak siya noong March ng taong 2020. Hindi na siya nakabalik sa Pilipinas dahil sa ipinatupad na lockdown dahil sa COVID-19. Mabuti naman at nakulong man sila ng lockdown sa Australia, naroroon ang buo niyang pamilya kasama pa ang kanyang asawang si Erwan Heussaff doon.

Siguro masasabi nga ring blessing in disguise para kay Anne iyong nakulong siya ng lockdown sa Australia dahil less ang kanyang naging stress doon. Kung naririto siya, mas mararamdaman niya ang impact ng lockdown at ang kawalan ng trabaho. Ganoon din  ang stress lalo na nang masara ang ABS-CBN.

Kung sabagay, sinasabi naman nila na sa status ni Anne, hindi naman siya mawawalan ng trabaho dahil malakas ang kanyang following. Tiyak na may darating pa ring proyekto sa kanya. Pero dahil nga nasa abroad siya, kung magkaroon man ng delay ang mga proyektong dapat niyang harapin dahil sa lockdown, at sa katotohanang bagsak nga ang industriya dahil sarado pa naman ang mga sinehan sa Metro Manila, at ang kanyang home network na ABS-CBN ay nasa internet pa lamang, hindi niya mararamdamang masyado ang impact noon.

Ang maganda lang, siguro naman ay malapit na talagang magkaroon ng vaccine, at siguro nga mas mauuna pa sila roon sa Australia. Makakauwi naman siya nang maayos na sa Pilipinas. Kung mabakunahan na sila at saka umuwi, mase-save naman siya roon sa trouble na kailangang laging magpa-swab test at mag-lock in sa kanilang mga taping kung sakali.

Kailangan lamang ay ipakita ang kanyang vaccination card, kung kapareho nga rin ang ipatutupad na protocols dito sa atin dahil ganoon ang ginagawa sa lahat ng iba pang mga bansa na sa ngayon ay nagbabakuna na.

Aga, gustong bigyan ng privacy ang anak

May nagtatanong, wala raw bang tiwala si Aga Muhlach sa educational system dito sa ating bansa at kailangan pa niyang ipadala sa abroad ang kanyang mga anak para mag-aral?

Umalis na ang kanyang anak na lalaking si Andres para magtungo sa Spain at doon ipagpatuloy ang pag-aaral ng kolehiyo. Ang anak niyang babae, si Atasha, naririto sa bansa pero naka-enroll sa isang distance study program ng isang unibersidad sa United Kingdom.

Hindi naman siguro masasabing kawalan iyon ng tiwala sa local educational system, pero karaniwan naman sa mga magulang, lalo na’t may kaya naman na papag-aralin sa abroad ang kanilang mga anak dahil hindi naman maikakaila na mas mataas talaga ang educational standards at mas madaling makakuha ng trabaho ang mga graduate sa mga eskuwelahan mula sa first world.

Siguro, iniisip lang naman ni Aga kung ano ang mas mabuti para sa mga anak niya. Isa pa, hindi mo nga maiaalis na isipin din niya kung saan mas makakapag-aral na mabuti ang kanyang mga anak. Dahil celebrities sila, kung dito sila mag-aaral sa Maynila, hindi nila maiiwasan iyong usyosohin sila, na hindi mangyayari sa abroad.

Aktres, mina-match sa bakla

Ang tsismis, alam daw kaya ng isang aktres na ang inirereto sa kanyang male star ay isang silahis? Matagal nang usap-usapan sa circle ang tungkol sa male star, lalo na ang pagdalu-dalo noon sa mga “private parties” na karaniwang ino-organize ng mga gay. At marahil alam na ninyo kung ano ang nangyayari sa mga party na iyon more or less.

Madalas din na ang male star na iyan ay inili-link sa pag-e-entertain ng mga gay foreign personalities na dinadala rito sa atin ng isang kumpanya.

Alam kayang lahat iyan ni aktres?


Related News

Explore more categories