Landian nina Derek at Ellen, inulan ng bashing

Philstar
January 12, 2021

Minsan ay pumapatol talaga si Derek Ramsay sa mga masipag mang-bash sa kanya. Sinasagot niya ang ilang komento na minsan ay napaka-below the belt na. Kaya ewan ko lang kung nakahanda na siyang sagutin ang ilang bashers sa post niyang kasama si Ellen Adarna.

Marami ang nagmamalisya sa closeness nina Derek at Ellen sa Instagram live ni Ruffa Gutierrez sa isang get-together nila. Sa video na iyon ay nakunan pang tila sinita ni Derek si Ruffa na kumukuha sa kanila ni Ellen.

Hindi maiwasang magkamalisya na ang netizens dahil iba ang pagkaka­kilala nila kay Ellen, at pati na rin kay Derek.

Bukod sa post na iyon ni Ruffa, meron ding ipinost si Derek sa kanyang Instagram account na kuha rin sa ganu’ng pagtitipon.

Kasama si Ellen at Ruffa sa ipinost niya na may bitbit silang aso. Nasa caption nito, “Love thy neighbor! Great fun guys!” at naka-tag sina Ellen, Ruffa, John Estrada at ilan pang kaibigan.

Baka nakalimutang matalik na magkaibigan sina John at Derek.

May nila-line produce si John na sitcom na John en Ellen na malapit nang magsimula sa TV5. Kaya huwag na sigurong lagyan ng malisya kahit marami-rami nang nagku-comment ng hindi maganda kay Derek at pati na rin kay Ellen.

Dingdong at Gerald, nagsalpukan sa Best Actor

Muntik na palang mag-tie sina Dingdong Dantes at Gerald Anderson sa kategoryang Best Peformance by an Actor TV Series na ipinamimigay ng GEMS Awards.

Ito ang isa sa naibahagi sa amin ng presidente ng GEMS Awards na si teacher Norman Llaguno nang makapanayam namin sa DZRH noong nakaraang Lunes ng gabi.

Ang GEMS Awards na binubuo ng Guild of Educators, Mentors and Students ay pinangungunahan ng gurong si Norman Llaguno kasama ang iba pang mga guro na mga estudyante sa larangan ng singing at pamamahayag.

Nasa ika-limang taon na nila ngayon ng pamamahagi ng parangal sa panulat, telebisyon, pelikula, tanghalan, radyo at idinagdag na nila ngayon ang digital.

Nagtabla nga raw sa kategoryang Best Performance by an Actor sina Dingdong at Gerald. Nahirapan daw ang mga miyembro sa pagpili kung paano i-break ang tie sa Kapamilya at Kapuso actor.

Kaya meron daw limang miyembrong magta-tie nito at kung sakaling hindi pa rin makapili ng isa, doon na raw siya boboto.

“Naniniwala kasi kami na sa bawat kategorya, merong isang aangat at nangingibabaw at  kahit pareho silang magaling, merong isang namumukod-tangi,” pakli ni Sir Norman.

Sa ngayong taon ay naidagdag ang digital at tatlong award muna sa digital ang ginawaran nila.

Ang Stand for Truth sa Best Digital Newscast, ang Pep Troika namin sa PEP.Ph nina Noel Ferrer at Jerry Olea sa Best Digital Entertainment News and Opinion, at ang online show ng Pilipino Star Ngayon na Take It…Per Minute, Me Ganun nina Tita Cristy Fermin, Nay Lolit Solis, at Mr. Fu bilang Best Digital Entertainment Talk Show.

Sabi ni Sir Norman, panahon na raw na kilalanin ang sa digital dahil dito naman halos nakatutok ngayon ang mga tao.

Tatlo raw muna ang ibibigay nila ngayong taon, pero sa mga susunod na awarding ay madadagdagan pa ito.

“Dapat nga lima ang paparangalan namin, pero sa ngayon ay tatlo lang muna. Pero sa susunod na taon tinitiyak namin na magkakaroon na ng iba’t-ibang kategorya para sa pipili ng magsisipagwagi sa larangang digital,” saad ni Norman Llaguno ng GEMS Awards.

Bago matapos ang buwang ito ay ipapamahagi na raw nila ang award sa mga nagsipagwagi at kukunan na lang daw ang video ng kanilang pagtanggap at bubuuin na nila ang awarding na mapapanood sa kanilang Facebook account sa iba’t-ibang digital sites.

Congratulations sa lahat na nagwagi lalo na sa  ating pahayagan na napi­ling Best Newspaper Broadsheet or Tabloid at si Tita Cristy na laging napipiling Best Female Newspaper Columnist Entertainment or Opinion.

Mabuhay ang GEMS Awards.


Related News

Explore more categories