Ang Babae sa Silong (6)

Philstar
January 13, 2021

PAGKATAPOS kumain ng almusal, hinugasan lamang ni Dado ang mga pinagkainang pinggan at natulog muli siya.

Kapag ganoong Sabado ay nagbababad siya sa hi­gaan. Kung anong oras siya magi­sing ay hinahayaan niya ang sarili. Pinagbibigyan niya ang sarili sapagkat mula Lunes hanggang Biyernes ay pawang trabaho ang ina­atupag niya. Mabigat din ang responsibi­lidad niya sa kompanyang pinag­ta­tra­ba­huhan.

Kadalasang gumigising siya ng alas tres ng hapon. Mahilo-hilo siya pagkagising.

Magmemeryenda lang siya at ang paglalaba naman­ ang aatupagin. Isang heavy duty automatic washing ma­chine ang binili niya para kompor­table. Kapag tinatamad siyang maglaba, dadal­hin lang niya sa laundry na nasa tapat ng inu­upahang apartment ang mga marurumi niyang damit at maka­raan lang ang ilang oras ay malinis na.

Pagkatapos maglaba, ang panonood naman ng pelikula ang aatupagin niya. Nakaka­ilang pelikula siya sa Netflix.

Pagkatapos manood saka pa lamang siya maghahanda ng kakainin sa hapunan. Ginisang corned beef na may patatas ang ulam niya at saka umuusok na kanin. Solb na siya.

Balik siya sa panonood ng pelikula.

Kapag nagsawa sa panonood, matutulog na lang uli siya.

Doon natatapos ang buong Sabado niya.

Kinabukasan, Linggo, maaga siyang gumigising para magsimba. Hindi niya nalilimutan ang Diyos. Mayroon siyang oras para sa Lumikha.

Pagkagaling sa simbahan, deretso na siya sa gro­cery. Mahahalagang kailangan para sa loob ng isang linggo ang bibilhin niya. Kaunting ulam lang ang binili niya dahil may inorder na siyang daing na bangus kay Manang Oya.

Pagkagaling sa grocery, mag-aalamusal lang siya at pagkatapos ay ang pagtitiklop naman ng mga damit na nilabhan ang inatupag niya. Pagkatapos ay naglampaso siya ng sahig. Magandang lampasuhin ang sahig sapagkat tabla. Mayroon siyang bunot na panglampaso. Masarap tapakan ang sahig pagkatapos lampasuhin.

Pagkatapos ay maliligo na siya at manonood na ng pelikula hanggang gabi.

Doon natatapos ang Linggo niya.

Kinabukasan, maaga siyang papasok.

Pagbaba niya ng hagdan, napansin na naman niya na tahimik sa silong. Nagtataka siya. Nasaan kaya ang babaing umuupa?

Nang biglang bumukas ang pinto ng inuupahang kuwarto. (Itutuloy)


Related News

Explore more categories