Dingdong/Marian at Ryan/Juday, nag-collab sa pagtitinda ng ulam

Philstar
February 21, 2021

Nakakatuwa ang kasipagan ng mag-asawang Dingdong Dantes / Marian Rivera at sina Ryan Agoncillo / Judy Ann Santos.

Ang aga nilang nagising kahapon sa bagong partnership ng kanilang negosyo. Ang DingDong PH ni Dingdong Dantes at ang Angrydobo ni Judy Ann Santos.

Kuwento sa amin ni Noel Ferrer na manager ni Ryan, alas-kuwatro ng umaga ay nasa Angrydobo sa Taft Avenue, Manila si Judy Ann para magluto ng mga specialty ng kanyang restaurant. Sinamahan ito ni Ryan para asikasuhin naman ang online selling nito.

Ang maganda pa ay nakipag-collaborate na sila sa riding service ni Dingdong na DingDong PH.

Sinimulan na nila ito kahapon ng umaga at gagawin na raw nila ito tuwing Linggo mula 8 hanggang 9:30 ng umaga, puwede na raw bumili ng mga espesyal na luto ni Juday, ang kanyang YingYang Champorado, ang Arroz Caldo with Tokwa’t Baboy, Angrydobo Pancit, at Kaldedobo (kombinasyon ng kaldereta at adobo).

Parang naglalaway na ako habang tinitipa ito dahil ang sarap naman kasi talaga ng mga luto ni Juday sa kanilang Angrydobo na malapit lang sa amin.

Dahil sa collab ng kanilang negosyo ay nagkaroon pa sila ng pagkakataong magkumustahan. Nakakahingi si Marian ng tips kung paano napasarap ang adobo ni Juday, at specialty din ni Marian ang kaldereta na puwede niyang i-share kay Juday.

Ninong pa pala ni Yohan si Dingdong at nagkakaroon pa ng chance na mag-bonding ang kani-kanilang mga anak na mahilig din sa sports.

Isa sa mga araw na ito ay baka si Dingdong pa ang mag-deliver ng orders para sa DingDong PH at baka sumama pa raw si Ryan sa pag-deliver kung mag-o-order kay Angrydobo.

Dahil sa ipinapakitang kasipagan ng showbiz couples na ito, nakakapagbigay sila ng magandang ehemplo sa kanilang mga anak.

Nakaka-good vibes silang mag-asawa!

Prima... pinalitan ng Babawiin...

Sobrang saya ng buong cast ng katatapos lang na Prima Donnas dahil sa magandang resulta ng pagtatapos ng naturang afternoon drama noong Biyernes.

Meron nga silang pa-surprise, na si Sofia Pablo pala ito na sumabay na kumanta sa mga batang bidang sina Jillian Ward, Althea Ablan at Elijah Alejo. Sabi ni direk Gina Alajar, deserved ng supporters nilang mabigyan ng ganitong pa-surprise sa en­ding nito.

Aniya; “We feel na hanggang sa huli hindi kami iniwan ng mga televiewers, they deserve a treat, they deserve a gift from the Prima Donnas production, from GMA.”

Dagdag na saya pa sa kanila ay pinadalhan sila ng letter of commendation ni Atty. Felipe Gozon, ang Chairman at CEO ng GMA 7. Pinuri ni Atty. Gozon ang buong cast, ang creative team at production staff ng Prima Donnas dahil sa napanatiling number one sa daytime program ang naturang serye.

Ang bagong afternoon drama na Babawiin Ko Ang Lahat ang ipapalit sa iniwang timeslot ng Prima Donnas. Tampok sa seryeng ito sina Kristoffer Martin at Liezel Lopez na tila hindi na itinatago ang kanilang relasyon. Nasa TikTok account ni Kristoffer na kasama niya si Liezel, at ang sweet nilang dalawa.

May ilang dance number sila sa TikTok na hinahalikan ni Kristoffer si Liezel. Pero sa twitter naman ay nakikipagpatutsadahan naman si Kristoffer sa dating kasintahang si Acel Banzon, na ina ng kanyang anak.


Related News

Explore more categories